Diaz LATHALAING FILIPINO
Kasaysayan at Kultura, Nagbuklod sa Buwan ng Wika
Ni: John Dave Limbaga
“Pagkakaisa”. Ganito ipinamalas ng mga mag-aaral at guro sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang “Ang Paglinang ng Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagbuo Ng Bansa”. Ito ay idinaos noong Agosto 29, ganap na ika-1:00 ng hapon sa himnasyo ng Diaz College. Ito ay pinangunahan ng mga punong abala na sina Kelly Louise Tecaro at Don Benedict Olita.
Isa sa mga tampok na bahagi ng selebrasyon ay ang pagtatanghal ng Lakan at Lakambini 2025, na sinimulan sa pamamagitan ng makulay na pagpasok ng mga kandidata suot ang kanilang nirerepsentang karakter bilang diyos at diyosa na nakabatay sa nabunot nilang kultura sa isla ng Pilipinas, ito ay yari din sa “recycled” na materyales na nagpapakita ng kanilang pagkamalikhain at pagmamahal sa kalikasan.
Matapos ang unang bahagi, ipinamalas ni Jerson Gornez, ang itinanghal na kampeon sa Singing Competition – Solo Category, na sinundan kaagad ng masiglang production number mula sa lahat ng kalahok. Itinampok naman nina Vanessa Rodriguez at Rissa Mae Obin, kampeon sa Singing Competition – Duet Category, upang makapaghanda ang mga kalahok sa talent portion, kung saan pinakita nila hindi lamang ang kanilang kakayahan kundi pati ang kultura ng isla na bahagi ng kanilang sayaw.
Upang bigyang-oras ang mga kalahok na magbihis, nagtanghal ang mga kampeon sa Spoken Poetry mula sa baitang 7 na si Zeena Yesha Romano, at sa Sabayang Pagbigkas na mula naman sa Baitang 10. Pagkatapos ay sinimulan kaagad nila ang presentasyon ng pormal na kasuotan na gawa sa “recycled” materials. Para mabigyang oras na magpasya ang mga hurado sinundan ito ng pagtatalaga sa tungkulin ng mga bagong opisyal, at isang natatanging dula na tampok sa mga karakter na kilala sa kulturang Pilipino.
Dumating na ang pinakahihintay na bahagi ng programa—ang pagtatalaga ng mga nagwagi sa iba’t ibang patimpalak. Itinanghal na kampeon ang Grade 10 na sina Bb. Nyrene Jazelle Guilaran at G. AG Francis Adaza, sinundan ng Departamento ng Kolehiyo na sina Bb. Grachell Ann Ontal at G. Cleo Gosanes bilang First Runner Up, at Grade 11 na sina Bb. Mayette Lindayao at G. Crez-Joe Comcom bilang Second Runner Up.
Hindi rin nagpahuli ang mga estudyante at guro, dahil kabilang din sila sa mga nakatanggap ng parangal. Ipinagkaloob ang mga titulo ng Pinakamagandang Pormal na Kasuotan para sa mga mag-aaral ay sina Bb. Muna Muñoz at G. Crizan Mananquil, gayundin sa hanay ng mga guro na sina Gng. Mary Ann C. Borromeo at G. Vencent Isidor Silva, na nagdagdag kulay at sigla sa selebrasyon.
Nasungkit ni Bb. Mayette Lindayao ang dalawang titulo—Pinakamagandang Pormal na Kasuotan sa Babae at Pinakamahusay na Diyosa—samantalang si Cleo Gosanes ang Pinakamahusay na Diyos habang si AG Francis Adaza naman ang Pinakamagandang Pormal na Kasuotan sa Lalake.
Nagtapos ang programa sa isang Unity Dance, na nagbigay-diin sa diwa ng pagkakaisa at kahalagahan ng Wikang Filipino bilang sagisag ng ating kultura.

